Skip to content

Noli MEME Tangere

August 13, 2012

“Kaalaman ay Kapangyarihan” (Knowledge is Power)

Kaalaman ay Kapangyarihan (Knowledge is Power)

Sa panahon ni Jose Rizal, nakita natin kung gaano ka importante ang mga libro. Ibang klase ang naging epekto ng mga librong sinulat ni Jose Rizal. Ginamit ni Rizal ang mga libro niya upang turuan tayo at maibahagi ang kanyang mensahe para sa ating mga Pilipino. Dahil sa panahon na iyon, ilan lamang ang illustrado at literato, ibinahagi niya ang kanyang natutunan sa ibang bansa sa mga ordinaryong Pilipino, sa pamamagitan ng kanyang mga sulatin. Ang Noli Me Tangere at El Fili Busterismo ay binigyan ang mga Pilipino ng lakas upang ipaglaban ang ating bansa. Kung wala ang mga librong ito, baka tayo ay kolonya pa rin ng ibang bansa.

Hanggang ngayon, napakahalaga pa rin ng mga libro sa ating mga buhay. Sa pagbabasa ng isang libro, marami tayong natututunan at lumalawak ang ating mga kaisipan, pati na rin ang ating mga mundo. Ginagamit natin ang ating mga libro sa paaralan upang matuto at nagbabasa rin tayo ng mga libro tungkol sa ating mga interes. Walang duda, ang mga libro ay isa sa lubhang kapaki-pakinabang na bagay sa ating mga buhay.

Ang problema lang ay mayroon mga taong hindi alam ang kapangyarihan ng mga impormasyong na nakukuha sa pagbabasa ng libro. Lalo na noong nakaraang panahon noong wala pa masyadong libro at kaunti lamang ang nakakaaral. Dahil dito, ang mga kaunting tao na nakapag-aral at maraming alam ay pinagtatawanan at sila ay trinatratong bilang palaboy lamang.

Sa Noli Me Tangere, isang tao na alam ang importansya ng mga libro ay si Pilosopo Tasyo. Dahil dito, siya ang napili ko para sa aking meme. Sinisimbolo ng aking meme ang kahalagahan ng mga libro at kung bakit ayaw na ayaw ni Pilosopo Tasyo mawala ito sa kanya.

Sa Kabanata 14 ng librong Noli Me Tangere, nakilala ko si Pilosopo Tasyo. Sa kabanata na ito, pinakilala siya bilang isang taong mahilig mag-basa ng libro. Nakikita rin sa kabanata na ito kung bakit wala siyang kaibigan at kung bakit iniisip ng tao na baliw siya. Dahil siya ay mahilig magbasa, ang kanyang bahay ay punong-puno ng mga libro at halos lahat ng pera niya ay ginamit niya para sa mga libro. Para sa kanya, ang mga libro niya ay ang kanyang pinakadakilang kayamanan.

Sa Kabanata 26, lalo kong nakilala si Pilosopo Tasyo. Ito ay dahil sa kabanata na ito, kinausap siya ni Crisostomo Ibarra tungkol sa proyekto niya. Dito ko natuklasan na ang proyekto na gustong gawin ni Crisostomo ay ang pangarap ni Pilosopo Tasyo. Ito ay ang pagtayo ng isang paaralan. Tunay na importante talaga ang edukasyon at nakukuha natin ito sa mga librong binabasa natin at ginagamit sa loob at labas ng paaralan. Sabi nga ng mga tao, ang kaalaman ay kapangyarihan o sa ingles, “Knowledge is power,” at sa kabanatang ito, ang kapangyarihan ng kaalaman at edukasyon ay pokus ng pag-uusap nila.

Ang linya ni Pilosopo Tasyo na kakaiba at naging inspirasyon sa akin ay makikita sa Kabanata 26 sa mga huling bahagi ng kanilang pag-uusap. Sinabi niya kay Crisostomo, “Kung gayon ang mangyari, kung mabigo ang gagawin niyo, maari kayong maaliw sa isiping ginawa ninyo ang lahat ng dapat gawin. At kung magkagayon man, maaring may pakinabang din: naihulog ang unang bato, nakapaghasik; marahil pagkatapos ng unos, tutubo ang ilang butil, mabubuhay sa kabila ng kapahamakan, illigtas ang uri laban sa pagkalipol, at magiging binhi pakatapos ng mga anak ng yumaong magsasaka. Makapagpapalakas ang loob ang halimbawa sa mga tao na nattakaot lamang magsimula.”

Totoo talaga ang mensahe niya kay Crisostomo at kahit ngayon ay nagagamit pa rin sa ating mga buhay. Hindi dapat tayo matakot baguhin ang pamantayan. Ito ay dahil upang tayo ay yumabong, kailangan natin subukan ang mga iba’t ibang bagay. Hindi rin dapat tayo matakot na mabigo, sapagkat marami pa rin tayong matututunan kahit tayo ay mabigo.

Sa aking meme, ipinakita ko ang halaga ng pagsulong sa pamamagitan ng teknolohiya ng Ipad. Ito ay dahil ang Ipad ay isang resulta at bunga ng maraming kaalaman, tiyaga, hirap at pag-eksperimento ng Apple. Bawat taon sila ay nagsaliksik at naghanap ng bagay na makakatulong sa ating mga araw-araw na gawain. Tiningnan nila kung ano ang kailangan natin at kung ano ang dapat nilang gawin. Hindi naman sila sigurado na magiging matagumpay ang Ipad, pero ginawa pa rin nila ito at tingnan niyo naman ang epekto nito sa buong mundo.

Ipinapakita rin ng Ipad ang kapangyarihan ng impormansyon at kaalaman. Gamit ng Ipad, pwede natin hanapin at malaman ang anumang gusto nating malaman. Ang Ipad ay mayroong diksiyonaryo, mga libro at ang internet. Dahil sa mga teknolohiyang ito, ang ating mga buhay ay nagiging mas madali. Hindi na natin kailangan maghalungkat sa aklatan kapag mayroong tayong kailangan, kailangan lang nating itype sa Google, at ayan na, lalabas na ang lahat nga ting kailangan. Dapat tayo ay magpasalamat sa mga taong katulad ni Steve Jobs, o sa librong Noli Me Tangere, si Crisostomo Ibarra. Dahil sa mga taong ganito, na hindi takot na palitan ang pamantayan, mayroon tayong mga gadget tulad ng Ipad, Macbook, telebisyon at iba pa.

Sigurado ako kung mayroon na ang Ipad noong panahon ni Pilosopo Tasyo, sobrang saya niya, sapagkat pwede niya ito gamitin bilang libro niya. Maari niyang makuha ang anumang libro nagusto niya at ilagay ito sa kanyang Ipad. Hindi na niya proproblemahin kung saan niya ilalagay ang kanyang mga libro at kung ano ang mangyayari kapag, halimbawa, nabaha ang kanyang bahay at nabasa ang mga libro niya. Ang proproblemahin niya na lang ay kung ilang ispasiyo na lang ang natitira sa kanyang Ipad. Pwede niya dalhin kung saan man ang kanyang mga libro kung mayroon siyang Ipad. Bagay na bagay talaga ang Ipad kay Pilosopo Tasyo, sayang lang at wala pang Ipad noong panahon niya.

Ginamit ko ang kalamidad na baha sa aking meme, dahil sa mga kamakailan-lamang na mga kaganapan. Noong nakaraang linggo lang nang tamaan tayo ng isang napakalakas na bagyo/ulan/monsoon at maraming mga lugar na nabaha. Sa mga kalagayan na ito, nakita natin kung paano nagtipon-tipon ang mga iba’t ibang tao at nagtulong-tulong. Sobrang daming tao ang nagtulong at pumunta sa iba’t ibang “relief operation.” Ito ay dahil sa mga social networking sites kung saan ibinahagi ng mga tao ang mga pangyayari at ang mga kailangan ng mga taong naapektuhan. Napakalaki talaga ng epekto ng teknolohiya sa ating mga buhay.

Para sa susunod na henerasyon, kailangan natin intindihin ang importansya ng kaalaman at patuloy na umunlad. Dapat natin bigyan halaga ang ating edukasyon at pag-aralan kung paano tayo makakatulong sa mundo. Huwag tayong matakot, sapagkat dapat tayo ay magbigay ng utang na loob sa mga nakaraang henerasyon, sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na pagsulong at pag-unlad.

No comments yet

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: